Connect with us

Aklan News

BARANGAY POBLACION KALIBO, PASOK SA TOP 5 GRAND WINNERS NG BAYANIVATION 2.0

Published

on

Photo Courtesy: Bayanivation Facebook page

PASOK sa Top 5 barangay grand winners ang barangay Poblacion sa bayan ng Kalibo sa Bayanivation 2.0: Barangay Innovation Challenge ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Napabilang ang entry ordinance ng barangay Poblacion, Kalibo na “Establishing a barangay-wide emergency responders volunteer program to ensure efficient and fast response in saving lives of fellow residents.(Purok Emergency Responders) sa Top 5 barangays mula sa mahigit 220 na mga barangay sa buong Pilipinas.

Inihayag sa Radyo Todo ni Pob. Brgy. Kagawad Ken Fegarido, ang principal author ng napiling ordinansa sa nasabing Barangay Innovation Challenge ng DILG, na dalawa ang kanilang isinaling ordinansa subalit ito lamang masuwerteng napili.

Aniya, maliban sa pagkakaroon ng Purok Emergency Responder ay ipinasa nila bilang entry ang kanilang ordinasa patungkol sa Purok Registration.

Sa katunayan ayon kay konsehal Fegarido, hindi siya nagpasa ng nasabing ordinansa para lamang makasali sa Bayanivation kundi nagkataon lamang na naaangkop sa nasabing programa ang kanyang ordinansa kung kaya’t naisipan nilang sumali.

Ang ideyang magkaroon ng purok responder system ay malaking bagay ayon sa opisyal lalo na sa oras ng emergencies, kalamidad o ano mang insidente.

Layunin din nitong magkaroon ng mga trained volunteers ang barangay na siyang reresponde kung kinakailangan dahil ito ang isa sa mga problema ng kanilang barangay.

Samantala, makakatanggap naman ng monetary consideration ang barangay Poblacion Kalibo na aabot sa P100,000 kung saan ang P50,000 ay para sa nasabing programa at P50,000 din para sa implementasyon nito.

Ang Bayanivation ay isang nationwide program na naglalayong pukawin ang civic innovation at digital transformation sa lokal na pamahalaan sa buong bansa.