Connect with us

Aklan News

Barge boat sa isang shipyard, lumiyab habang unti-unting binabaklas ng mga trabahador

Published

on

By

Lumiyab ang isang barge boat na nakadaong sa shipyard ng Brgy. Polo, New Washington habang unti-unting binabaklas ang mga bahagi nito dakong alas 2:00 ng hapon nitong Huwebes.
Ayon kay FO2 Enrico Nam-ay ng BFP New Washington, nagsimula umano ang apoy sa isang office room ng nasabing barko.
Nagsasagawa umano ang ilang trabahador ng pre-heating para mapadali ang pagluwag mga turnilyo ng kanilang binabaklas na bahagi kasabay ng pag-spray ng WD40 o pangkuha ng mga kalawang.
Doon umano mas uminit ang bahagi ng barko at naging sanhi ng pag-apoy sa lugar.
Pinilit pang patayin ng ilang trabahador ang apoy gamit ng fire extinguisher ngunit hindi na nakayanan pa dahil naging mabilis ang pagkalat nito dulot ng mga goma at ilang kable na naroon.
Bukod sa BFP-New Washington, tumulong rin sa pagresponde sa lugar ang dalawang fire truck ng BFP Kalibo at tig-isa naman ang galing sa Numancia, Makato at Banga BFP.
Umabot ng halos dalawang oras ang firefighting bago tuluyang nadeklara ang fire-out.
Dahil halos naubos at nabaklas na rin ang laman ng barge ay wala na umanong naitalang halaga ng pinsala sa sunog.