Connect with us

Aklan News

PetroWind Energy Inc. nanindigan na walang masamang epekto ang Nabas Wind Power Project sa Nabaoy River

Published

on

NANINDIGAN ang PetroWind Energy Inc. na walang masamang epekto sa Nabaoy River ang kontrobersiyal na Phase 2 ng Wind Power Project sa bayan ng Nabas.

Sa panayam ng Radyo Todo kay Vanessa Peralta, Assistant Vice President for Corporate Communication ng Petrowind Energy Inc., ipinunto nito na natapos na nila ang  road construction para sa naturang proyekto pero wala naman umanong naging masamang epekto sa Nabaoy River.

“Ang pinupunto po namin, natapos na po namin ang road construction, wala naman ho naging adverse o masyadong masamang epekto doon sa Nabaoy river.”

Aniya pa, “itong Phase 2 ang outfall po nito Nabaoy river po. Kasama na po ang Nabaoy river sa naunang tatlong turbina. So kahit po nasa Nabas side yan, ang outfall po niyan ay Nabaoy River na.”

Giit ni Peralta, naging epektibo ang kanilang mitigation measures dahil natapos umano nila ang pagpapatayo ng unang tatlong turbina na walang may nangyaring masama o may nasira.

“So napatunayan po natin na yung mga mitigation measures na tinatawag natin, yung paglalagay ng gabion, yung pagpapapatag o pag-stabilize ng slope na ginawa natin sa taas, yung concreting ng drainage na ginawa natin sa taas ay epektibo. Kasi natapos na nga namin yung unang tatlo, wala namang nangyari na sinasabi ng iba na masamang epekto, masisira, wala naman pong nangyari,” paglalahad ni Peralta.

Dagdag pa nito, “So effective po yung naging mitigation measures and control natin sa taas.”

Samantala, ipinasiguro ni Peralta na mas paiigtingin pa nila ang ilalatag na mitigation measures sa kanilang pagpasok sa bayan ng Malay sa kabila pagtutol ng mga residente ng barangay Nabaoy.

Sa ngayon aniya ay hinihintay na lamang nila ang desisyon ng Sangguniang Bayan ng Malay kung papayagan silang tumuloy sa kanilang proyekto.

Sa katunayan ayon kay Peralta ay nasa site at kumpleto na ang parts ng kanilang itatayong turbina at permiso na lamang ng SB Malay ang kanilang hinihintay.

Magugunitang nito lamang Enero 31, kasabay ng isinagawang committee hearing para sa naturang proyekto ay matiyang nag-abang ang mga residente ng Nabaoy kay Malay Mayor Frolibar Bautista upang ipaabot ang kanilang hinaing na maaari silang maapektuhan ng Phase 2 ng Nabas Wind Power Project.

Ang Nabaoy River kasi ang pangunahing pinagkukunan nila ng malinis na tubig at hanapbuhay.

Nagsisilbi rin itong tourist destination at water source para sa isla ng Boracay at bayan ng Malay.