Connect with us

Aklan News

PASAHE SA TRAYSIKEL SA KALIBO WALANG ADJUSTMENT KAHIT NASA NEW NORMAL NA

Published

on

PASAHE SA TRAYSIKEL SA KALIBO WALANG ADJUSTMENT KAHIT NASA NEW NORMAL NA
File Photo| Mary Ann Solis/Radyo Todo Aklan

WALANG fare adjustment na magaganap sa mga pumapasadang traysikel sa bayan ng Kalibo kahit nasa new normal na ang probinsiya ng Aklan.

Ito ang napagkasunduan sa isinagawang consultation meeting ng mga TODA sa Sangguniang Bayan ng Kalibo kasunod ng bagong Executive Order ni Aklan Governor Florencio Miraflores na pinapayagan na ang full seating capacity sa lahat ng mga pampublikong sasakyan kasama na ang mga traysikel sa ilalim ng Alert Level 1.

Sa panayam ng Radyo Todo kay Jhonny Damian, president ng Federation of Kalibo Tricycle Operators and Drivers Association Inc. (FOKTODAI), sinabi nito na susundin nila ang kasalukuyang taripa na kakabigay lamang sa kanila.

Aniya, hindi nila mai-enjoy ang bagong fare matrix na nakasaad sa bagong taripa kung magkakaroon ulit ng adjustment kasunod ng pagbaba ng alert level status sa probinsiya.

Saad ni Damian na pipila pa rin ang mga traysikel sa bawat terminals ngunit magsasakay lamang sila ng apat hanggang limang pasahero at hindi nila susundin ang full seating capacity upang hindi na sila magkaroon ng tapyas sa pamasahe.

Samantala, ang pamasahe naman sa loob ng Poblacion Kalibo ay mananatili sa sampung piso batay sa kanilang bagong taripa.

Sa bahagi naman ng mga traysikel na bumabiyahe papuntang mga kabarangayan sa Kalibo, ipinahayag ni Damian na may mga option sila para dito kung saan inihalimbawa nito na kung mayroon silang anim o pitong pasahero, silang mga drayber na mismo ang magbibigay ng discounts.

Binigyan-diin ni Damian na hindi rin madali para sa kanilang mga driver/operators ang magkaroon ng fare adjustment lalo na ngayong patuloy ang pagsipa ng presyo ng petrolyo.