Connect with us

Aklan News

8 guwardiya nanutok ng baril sa isang hotel sa Boracay, arestado

Published

on

ARESTADO ang walong security guard matapos pumasok at nanutok ng baril sa isang hotel sa isla ng Boracay.

Kinilala ang mga suspek na sina Conrad Ilagan, Jomar Solano, Roqui Tumbagahan, Gardie Maming, Carlos Ingo, Jomar Guevarra, Mel Jhon Fernandez, at Baldonero Torres.

Batay sa police report, nagulat na lamang ang mga staff ng Cerca Hotel ng pumasok ang apat na mga kalalakihan na lahat ay naka-sibilyan at bigla na lamang inilabas ng suspek na si Guevarra ang baril mula sa sling bag at saka itinutok sa hotel staff.

Dahil sa takot, nagtakbuhan papalayo ang mga empleyado ng hotel, nagtago at humingi ng police assistance sa Malay Municipal Police Station.

Nang bumalik na ang mga staff sa naturang hotel, nakita nila si Ingo na nagpapalit na ng security guard uniform.

Agad naman inaresto ang mga suspek na nakuhanan ng 9mm pistol at shotgun.

Kaugnay nito, sa ipinalabas naman na press release ng Philippine National Police (PNP), inihayag ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na walang nasaktan sa insidente.

“Those armed suspects posed threat not only to the hotel staff, but also to the guests. We laud the quick action of our police personnel that prevented the situation from escalating and nobody was harmed,” ani Lt. Gen. Danao Jr.

Samantala, kasalukuyan namang gumugulong ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng mga suspek.