Connect with us

Aklan News

MAJOR EVENTS SA KALIBO ATI-ATIHAN FESTIVAL 2022, KANSELADO

Published

on

Dahil sa banta ng bagong Omicron variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), kanselado muna ang mga major events ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival ngayong taon.

Ayon kay Kalibo Mayor Emerson Lachica, prayoridad nila ang kalusugan ng bawat Aklanon at ayaw nilang makipagsapalaran lalo na sa ganitong klaseng sitwasyon.

Isa sa mga hindi matutuloy ang kinagigiliwan at dinadagsang “sadsad sa kalye” o street dancing competition ng mga iba’t-ibang tribu suot ang mga magagarbo at makukulay na costumes upang maiwasan ang mass gathering ng mga tao.

Katulad noong nagdaang taon, magiging virtual ulit ang Search for Mutya it Kalibo Ati-atihan Festival 2022 na ipapalabas via livestreaming ng Facebook Page ng LGU Kalibo gayundin na mapapanuod sa Kalibo Cable at Aklan Cable television.

Pahayag ni Mayor Lachica na nagtapos na ang final shoot ng mga kandidata nitong Enero 3 sa Marzon Hotel at sa darating na Enero 14 i-aanunsyo ang kokoronahang Mutya it Kalibo Ati-atihan Festival 2022.

Samantala, ipinasiguro naman ni Lachica na magkakaroon ng flea market sa bahagi ng Veterans Avenue Street at 19 Martyrs Street ngunit lilimitahan lamang ito.

Sa katunayan aniya nitong nagdaang araw ay nagmarka na sila ng mga numberings upang malaman kung ilang mga stalls ang kanilang ilalagay.

Sa bahagi naman Martelino Street, mula sa kanto ng 19 Martyrs Street hanggang kanto ng Archbishop Street ilalagay ang Food Festival sa Kalye na isa sa mga atraksyon tuwing selebrasyon ng Ati-atihan Festival.

Ang Pastrana Covered Court naman ay ilalaan para sa mga push cart vendors upang mabigyan din sila ng pagkakataon na makabangon sa epekto ng pandemya.

Umaasa ang alkalde na sa pamamagitan ng mga ito ay muling makakabawi ang mga negosyante lalo na ang lokal na pamahalaan sa sektor ng ekonomiya.