Best of Aklan
KALIBO LGU, NAGLABAS NG KAUNA-UNAHANG ATI-ATIHAN FESTIVAL MAGAZINE

Published
1 month agoon

Dahil sa pandemyang kinahaharap ng bansa, maraming mga nakagawian na ang nagbago, kung hindi man tuluyang naglaho. Kabilang na dito ang pagdaraos ng mga piyesta at mga kahalintulad na pagdiriwang.
Hindi nakaligtas ang lalawigan ng Aklan sa banta ng COVID-19. Dahil dito, isa ang bayan ng Kalibo sa mga tumalima para harapin ang hamon nito. Hindi kaila sa lahat na isa sa pinakamalaking okasyon sa bansa ay ipinagdiriwang sa Kalibo. Ang Santo Niño Ati-Atihan Festival na tinagurian ding Mother of All Philippine Festivals, ay idinaraos tuwing ikatlong-lingo ng Enero, kada taon.
Sa loob ng halos 800 taon, napupuno ng kulay at ingay ang buong bayan tuwing Ati-Atihan. Ang bawat isa ay sumasayaw sa saliw ng hiyawan at tugtog ng tambol. Subalit sa taong ito, iba ang tunog ng Kalibo.
Upang ipagpatuloy ang nakagawiang selebrasyon na tatak ng kulturang Aklanon at simbolo ng debosyon, inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ngayong taon ang makabago at virtual na pagdiriwang na binansagang Kalibo Santo Niño Ati-Atihan Digital.
Isa sa mga magagandang pagbabagong handog ng Kalibo Santo Niño Ati-Atihan Digital ay ang paglabas ng kauna-unahang Ati-Atihan Festival Magazine. Pinamunuan ni Maria Solita Zaldivar Guzman bilang Editor-In-Chief ang patnugutan ng magazine,na binubuo ng mga sumusunod: Jess L. Fernandez, Rhea Rose Ebesate-Meren, Kenneth Ian R. Billones (Contributors); Felix S. Lirio, Kim Joseph S. De Leon, Ryan Karlo R. Igmasin (Graphic Artists).
Ngayong 2021, bunsod na rin ng mga pagbabagong dala ng pandemya, ang 12-pahinang magazine ay magsisilbing alternative souvenir program ng Ati-Atihan Festival. Sa pakikipagtulungan sa grupong Ro Akeanon at Kalibo International Airport, napuno ang bawat pahina ng mga artikulo at larawang nagpapakita ng makulay na kasaysayan ng Ati-Atihan, at mayamang kultura ng bayan ng Kalibo at lalawigan ng Aklan.
Patunay ang Kalibo Santo Niño Ati-Atihan Digital at ang Ati-Atihan Festival Magazine ng katatagan at kahusayan ng mga Aklanon. Sa kabila ng pandemya, o anumang hamon, wala mang handaan, sadsad, at tugtog ng tambol, patuloy pa rin ang debosyon, patuloy ang selebrasyon. Patuloy ang paghiyaw ng “Viva, Señor Santo Niño, Viva!” at “Hala bira, pwera pasma!”