Connect with us

International

ILANG PINOY SA HONGKONG NAGPANIC-BUYING DAHIL SA POSIBILIDAD NA MAG-LOCKDOWN

Published

on

Nagpanic-buying ang ilang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Hongkong dahil sa pangambang isailalim ang nasabing bansa sa lockdown.

Ito ay kasunod ng biglang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Sa ekslusibong panayam ng Radyo Todo kay Joan Macabante, isang Aklanon na nagtatrabaho sa Hongkong, tinawag nitong “worst ever” ang nangyayari ngayon dahil sa COVID-19 crisis.

Aniya, halos wala na silang mabili na pagkain at iba pang essential goods dahil karamihan ay nagpanic-buying para masigurong may naka-imbak silang pagkain sakaling mag-lockdown.

Saad pa ni Joan na maliban sa walang stocks, biglang tumaas rin ang presyo ng mga ito.

Nabalitaan aniya nila na isasailalim sa lockdown ang Hongkong sa loob ng sampung araw simula sa Marso 17.

Dagdag pa nito na halos 70 porsiyento na rin ng mga establisyemento sa Hongkong ang nagsara.

Maliban dito, muli ring naghigpit ang pamahalaan ng Hongkong kung saan pinagmumulta ng 5,000 HKD ang mahuhuling walang suot na facemask samantalang pinagbabayad naman ng 10,000 HKD bawat isa kapag mahuling may sobra sa dalawang tao ang nagtitipon-tipon o nagkukumpulan.

Pahayag pa ni Joan na nililimitahan na lamang aniya ang kanilang paglabas upang maiwasan na ang pagdami ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa nasabing bansa.

Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Joan sa kanyang employeer na hindi sila pinapabayaan sa gitna ng krisis na ito.