Connect with us

Aklan News

SWAB TEST REQUIREMENT PARA SA MGA FULLY VAXXED TOURIST SA BORACAY, TATANGGALIN NA SA NOBYEMBRE 16

Published

on

Photo Courtesy: Jack Jarilla

Hindi na kailangan ang confirmatory swab test sa mga fully vaccinated na turistang pupunta sa isla ng Boracay simula sa susunod na Linggo, Nobyembre 16.

Ayon kay Gov. Joeben Miraflores, tatanggalin na nila ang requirement ng RT-PCR test sa lahat ng pumupunta ng Boracay subalit kailangan pa rin nilang magpakita ng vaccination card o patunay na sila ay fully vaccinated.

“I’m happy to report na by November 16, next week, tatanggalin na namin yung requirement ng RT-PCR test sa lahat na mga pumupunta ng Boracay,” he said.

Ang kailangan nalang ayon kay Gov. Miraflores sa halip na RT-PCR test na nire-require na probinsiy ay mag-submit ang mga turista ng vaccination certificate or VaxCertPH na makukuha sa website na www.vaxcert.gov.ph.

Samantala, kung nahihirapan umanong ma-access ang nasabing website ay maaari nilang gamitin ang kanilang vaccination card na may QR code galing sa issuing Local Government Unit.

Kung wala ng dalawang nabanggit ay pwede rin silang kumuha ng vaccination certificate sa issuing LGU kung saan makikita kung saan talaga sila nagpabakuna.

Saad pa ni Miraflores na isa ito sa kanilang mga hakbang upang mabuhay ulit ang turismo sa Boracay.

Advertisement

Ipinahayag nito na dumarami na ang mga bumibisita sa isla ngunit iilan pa lamang ang mga establisyemento ang bukas at naniniwala siyang mas madadagdagan pa ang mga bumisita dito kasabay ng pagtanggal ng RT-PCR test.

Ipinasiguro naman ng opisyal na ipinapatupad pa rin nila ang minimum health protocols katulad ng pagsusuot ng facemask at ang social distancing.

Samantala, pahayag pa ng gobernador, naabot na nila ang herd immunity sa tatlong barangay sa isla.

Aniya, nasa 94% na ng tourism workers ang fully vaccinated habang 94% din ang nakatanggap ng first dose sa general population at 70% ang nakatanggap ng second dose.

Ayon pa sa kanya ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang isinasagawang vaccination program sa isla upang maabot talaga ang 100 percent na vaccination rate.