Connect with us

Aklan News

SURVIVOR NA SI ROLITO CASIDSID, KINUMPIRMANG PATAY NA ANG TATLONG KASAMA SA LUMUBOG NA BANGKA

Published

on

By

Photo courtesy: Melissa Casidsid/Geraldine Gilbuena

Kinumpirma mismo ng nag-iisang survivor na si Rolito Casidsid na binawian ng buhay ang tatlo niyang kasamahan sa bangkang lumubog noong Sabado at natagpuan kahapon sa Brgy. Cocoro, Magsaysay, Palawan.

Sa ekslusibong panayam ng Radyo Todo sa biktima, isinalaysay niya ang buong pangyayari simula nang pumalaot sila para sana magbakasyon sa Romblon nitong umaga ng Sabado.

Kwento ni Casidsid, lumakas ang alon nang patawid na sila sa may Hambil at tinamaan ang kanilang bangka.

Napuno ito ng tubig hanggang sa lumubog pero nanatili pa rin silang nakakapit sa bangka hanggang sa nakapalapit na sila sa Semirara Island umaga ng Linggo, pero wala pa ring nakakita o dumating na saklolo sa kanila.

Lumipas ang sampung oras at binayo ulit sila ng hangin papunta sa open sea.

Pagdating aniya ng Lunes ng umaga, sumuka na ng dugo at nangitim na ang mata ng dalawa nilang kasama na si Jon Guyo at Juden Matorre.

Nagawa pa niyang itali ang katawan ng dalawa sa bangka.

Advertisement

Salaysay pa niya, sunod na bumigay dakong alas-7:00 Lunes ng gabi ang babae nilang kasama na si Mar Jane Maturi Cezar na bumitaw sa bangka at hindi na niya nahabol pa dahil hinang-hina na rin siya.

Aniya, ginapos nalang niya ang sarili sa bangka, nilakasan ang loob at nagdasal hanggang sa napadpad sa isla ng Palawan.

Doon na siya natagpuan ng mga residente at agad na nilapatan ng first aid.

Kaugnay nito, ang mga katawan ng kanyang dalawang kasama na ginapos sa bangka ay nawala na at posibleng inanod ng tubig.

Lubos rin ang pasasalamat ni Rolito sa Diyos at sa mga taong tumulong sa kaniya sa Brgy. Cocoro, Magsaysay, Palawan.

Kasalukuyan na siyang nagpapagaling sa ospital sa lugar at nasa pangangalaga ng kanyang pinsan

Advertisement