Connect with us

Aklan News

Preso nakatakas mula sa Aklan Rehabilitation Center

Published

on

By

Hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin ng mga otoridad ang isang inmate na nakatakas mula sa Aklan Rehabilitation Center (ARC) nitong Martes, Hunyo 6.

Batay sa ulat, nag-report sa Kalibo PNP si Cherry Custodio, Officer in Charge ng ARC na nakatakas mula sa bilangguan ang presong si Randy Fulgencio ng C-Laserna St., Poblacion, Kalibo na may kasong paglabag  sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.

Nadiskubre umano ni PG1 Vicente Ibisate Jr. na nawawala si Fulgencio matapos magsagawa ng accounting ng mga inmate dakong alas-2:15 kahapon.

Sinasabing nakakita ng kawayan ang suspek na ginamit nito para maakyat ang mataas na pader ng ARC.

Nabatid na nadakip si Fulgencio noong 2019 sa kasong may kinalaman sa droga at naaresto na rin noong 2017 dahil sa pagnanakaw sa bahay ng isang pulis sa bayan ng Kalibo.

Kung matatandaan, sinubukan na rin nitong tumakas nang dalhin ito sa ospital para magpamedical noong 2017 pero kalaunan ay nadakip rin ng mga kapulisan.