Connect with us

Aklan News

LALAKI, SINAKSAK-PATAY NG BAYAW

Published

on

Tangalan – Patay ang isang lalaki matapos umanong tambangan at saksakin ng mismong bayaw bandang alas 9:00 kagabi sa Sitio Manggoyod, Tamalagon, Tangalan.

Kinilala ng Tangalan PNP ang biktimang si Rey Estoy, 48 anyos, at ang bayaw niyang suspek na si Rammel Abalayan, 46 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon ng pulis, pauwi na galing sa pagbisita sa kanilang ina sa Pudiot, Tangalan ang biktima kasama ang asawa at anak nang biglang lumitaw ang suspek at biglang sinaksak ang biktima sa dibdib.

Kaagad tumakas ang suspek habang kaagad ding dinala sa ospital ang biktima subalit binawian ito ng buhay.

Kasunod nito, kaagad ding nagsagawa ng hot pursuit operation ang Tangalan PNP laban sa suspek at nabatid na sumuko pala ito kinalaunan sa mga taga BPAT (Barangay Peace Action Team) ng Tamalagon na kanila namang dinala sa presento ng Tangalan PNP.

Kasalukuyan namang inihahanda ng Tangalan PNP ang kaukulang kasong isasampa laban sa kanya.

Samantala, sinabi naman ng asawa ng biktima na kapatid din mismo ng suspek na matagal na umano silang ginugulo nito dahil sa lupang sakahan ng kanilang ina dahil nais umano nitong siya ang humawak nito.

Nang makapanayam naman ng Radyo Todo ang suspek, mariin namang itinanggi ng suspek na tinambangan niya ang biktima, at sa halip sinabi na lasing ang kanyang bayaw nang magkasalubong sila sa daan.

Tinanong din umano siya ng biktima kung ano ang kanyang gusto, at akmang hahampasin ng sinturon, dahilan na bumunot siya ng patalim at sinaksak ang bayaw bilang depensa sa kanyang sarili.

Iginiit din niyang walang kinalaman ang sinabi ng kanyang kapatid na problema sa lupa, sa nangyaring insidente kagabi.