Connect with us

Aklan News

Cong. Haresco sa SP Aklan: “HINDI MAN LANG AKO KINAUSAP KUNG ANO BA ANG NANGYAYARI”

Published

on

Photo Courtesy: Teodorico "Nonong" T Haresco, Jr FB Page

DISMAYADO at nalulungkot si Aklan 2nd District Representative Teodorico Haresco sa naging hakbang ng Aklan Sangguniang Panlalawigan sa pagdeklara nila ng ‘Person Non Grata’ sa apat na mga kongresistang may akda ng BIDA Bill 2.

Sa isang press conference, sinabi ng kongresista na hindi man lang muna siya kinausap o kinonsulta bago nagpasa ng resolusyon ang mga SP member at si Vice-Gov. Boy Quimpo.

“Nalulungkot ako na ‘yong mga kasama ko sa local na partido Tibyog ay nagfile din ng resolusyon kahapon [August 8]. Habang nagwi-withdraw ang apat na Congressman [nag-withdraw sila nung August 3] ay bumanat naman ang mga [SP] ng ‘Persona Non Grata’,” ani Haresco.

“Medyo ipinahiya ang mga Congressmen na nagwithdraw na. Na hindi man lang kinausap, hindi man lang ako kinausap na [kung] ano ba ang nangyayari.”

Dagdag pa nito, nagmumukhang wala silang ginagawa sa Kongreso ni 1st district Rep. Carlito Marquez.

“Nakakahiya sa amin ni Congressman Carlito Marquez na [parang] hindi kami nagtatrabaho dito.”

Sa katunayan ayon kay Haresco ay hindi niya agad sinabi na nag-withdraw na ang apat na kongresista na may-akda ng nasabing housebill dahil kailangan niya muna itong dalhin sa Committee on Rules na kailangan pang i-clear ng majority leader.

“Hindi ko nasabi noong August 3 na nagwithdraw na sila kasi hindi pa pormal ang kanilang pirma. Dapat dadalhin ko pa sa Committee on Rules. Dapat i-clear ko pa sa Majority leader ‘yan.”

“Pero sana kortesiya lang, at saka respeto lang,” giit pa nito.

Matatandaang idineklarang ‘Persona Non Grata’ ng Aklan Sangguniang Panlalawigan sina Congressman Luis Raymund F. Villafuerte ng 2nd District Of Camarines Sur, Congressman Tsuyoshi Anthony G. Horibata ng 1st District Of Camarines Sur, Congressman Miguel Luis R. Villafuerte ng 5th District Of Camarines Sur, at Bicol Saro Representative Congressman Nicolas C. Enciso VIII dahil sa muling pagbuhay nito sa House Bill No. 1085 o Proposing The Creation Of A Boracay Island Development Authority As A Government-Owned And Controlled Corporation (GOCC) kung saan katulad lamang ng House Bill No. 09286 na hindi ipinasa ng 18th Congress.