Connect with us

Aklan News

Boracay Island, dapat maging World’s Best Ecotourism Destination

Published

on

Image|©Jack Jarilla

Malay, Aklan – Dapat maging Best Ecotourism Destination na sa buong mundo at hindi lang Best Beach ang Boracay island, ito ang naging adhikain ng Technical Working Group (TWG) sa kanilang pagbubuo ng Boracay Island Development Authority (BIDA) substitute bill na isinumite sa Committee on Government Enterprises and Privatization at Committee on Local Government ng House of Representatives.

Sa isinagawang BIDA Forum na inorganisa ng Boracay Foundation Inc. (BFI) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Boracay Chapter, isa-isang ipinaliwanag nina Atty. Oscar Palabyab at Ramon Alikpala ang mga plano ng BIDA para marating ang lebel na ito.

Ayon sa kanila, kailangan ng Boracay ang mas epektibo at professional na pamamahala sa tulong ng mga eksperto sa turismo, kalikasan at ekonomiya para mapasigurong balanse ang mga pagpapaunlad na gagawin sa isla kung saan ito ay naka- angkla rin sa Boracay Action Plan Framework na ginawa ng National Economic Development Authority (NEDA)

May mga imprastraktura na kailangan pang idagdag sa isla para mas lalong makahikayat ito ng mga dekalidad na turista at mga mamumuhunan.

Una dito ang Medical Infrastructure kung saan kailangan mapabuti ang medical services na naayon sa pangangailangan ng mga turista na nagmumula sa iba’t-ibang bansa.

Pangalawa ay ang Social Infrastructure, dito naman ay mapasiguro na masagot ang mga social needs ng mga indibidwal, pamilya, grupo at komunidad ng isla.

Kasama rin ang Judicial Infrastructure para sa seguridad at kaligtasan ng mga turista. Layunin din nito na mapadali ang paglilitis sa mga kaso na kinasasangkutan ng mga turista na hindi namamalagi ng matagal sa isla para sa mga pagdinig ng kaso.

Kailangan din diumano ang Testing Infrastructure kung saan magtatayo ng mga laboratoryo para mapasiguro na makapasa na national standards ang kalidad ng tubig at maging ang integridad ng mga nakatayo at itatayong mga edipisyo sa isla.

Ayon pa sa TWG, ang mga planong ito ay masusing pag-aaralan at pagkakasunduan ng mga mga directors ng BIDA kung saan may mga representante mula sa Local Government Units, Nat’l Gov’t Agencies at private sectors bago ipatupad.

Sa ngayon ay aprubado na sa committee level ng kongreso ang panukala at nakatakda nang isalang sa plenaryo para sa debate at posibleng rebisyon bago aprubahan.

Magkakaroon din ng Senate version ng Bill na ito bago ipadala sa Pangulo para maging ganap na batas.

Maalalang hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kongreso noong nakaraang State of the Nation Address nya ang pagbubuo ng BIDA matapos ang matagumpay na ginawang rehabilitasyon sa Boracay noong 2018.