Aklan News
BIRTHDAY BOY NA MAY TINAKASANG KASO, ARESTADO, AKUSADO, BINIGYAN NG CAKE NG MGA PULIS


Arestado sa Caticlan, Malay alas 5:00 kahapon ang isang lalaking wanted sa kasong Illegal Possession of Firearms at Frustrated Murder sa Bataraza, Puerto Princesa, Palawan.
Kinilala ng Altavas PNP ang naarestong ‘birthday boy’ na si Allan Delos Angeles, 45 ng Barangay Culandanum, Bataraza, Palawan, at kasalukuyang residente ng Caticlan, Malay.
Inaresto siya ng Altavas PNP sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ni Hon. Adelardo S. Escoses, Branch 51, RTC, Puerto, Princesa noon pang March 17, 2000.
Nabatid na halos 1 linggo nang nakipag-ugnayan ang Altavas PNP sa Bataraza PNP Station at RTC Puerto Princesa kaugnay sa kaso ng akusado nang matunugan ang impormasyon.
Kaagad naman siyang dinala at ikinustodiya ng Altavas para sa karampatang disposisyon.
Nakahanda naman umano itong magpiyansa ng kabuuang P260,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Samantala, kaagad ding isinailalim sa booking procedure si Angeles, kung saan nalaman ng mga pulis na birthday pala nito kaya’t binigyan nila ito ng cake na nagpangiti naman sa akusado.