Connect with us

Aklan News

BAHAY NG ARMY RESERVIST, HINALUGHOG NG CIDG, MGA BARIL AT BALA NASAMSAM

Published

on

Arestado ang isang army reservist matapos masamsam ang mga baril at bala sa kanyang bahay nitong umaga sa Sitio Bogasongan, Guinbaliwan, New Washington.

Nakilala ang naarestong si John Arboleda, sa legal na edad at residente ng nasabing lugar.

Sa bisa ng Search Warrant, hinalughog ng CIDG Aklan ang bahay ng suspek kung saan narekober ang mga sumusunod: 1 cal.45 pistol; 5 magazine nito kasama ang 55 pirasong mga bala nito; 1 holster; 1 Delinger .38 revolver; at 4 na bala ng 9mm caliber pistol, na pawang di-lisensyado.

Kasunod nito, kaagad siyang inaresto at kasalukuyang nasa kostodiya ng CIDG Aklan habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na isasampa laban sa kanya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek kaugnay nito, subali’t nabatid na dati na rin siyang na ‘buy-bust’ ng baril sa Andagao, Kalibo noong March 22, 2018.

Samantala, sinabi naman ng CIDG na inireklamo rin sa kanila ang suspek na nagpaputok umano ito at nakikitang may dalang baril nito lamang huling linggo ng Abril.