Connect with us

Aklan News

LALAKI PATAY SA PAMAMARIL, 2 PA SUGATAN

Published

on

Tangalan – Patay ang isang lalaki habang 2 pa ang sugatan sa pamamaril bandang alas 9:30 kagabi sa Sitio Suebod, Poblacion, Tangalan.

Nakilala ang namatay na si Roger Teñoso, 40 anyos, at ang 2 pang sugatan na sina Mario Traje, 30 anyos, at Glen Joguilon, 24 anyos, lahat residente ng nasabing lugar.

Bagama’t nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Tangalan PNP, nabatid mula sa pamilya ng dalawang biktima na mag-isang dumating sa kanilang tindahan si Roger, na nasa impluwensiya umano ng alak.

Bumaba umano ito ng kanyang motorsiklo at pumasok sa gate upang bumili ng alak.

Ilang sandali lang umano nang biglang pumasok sa gate ang isang lalaki na naka jacket, naka facemask at naka sombrero.

Kinasa umano ng suspek ang dalang baril at pinaputukan ng sunod-sunod ang biktimang si Roger na nakatayo naman noon sa labas ng mismong tindahan.

Kaagad umanong bumulagta si Roger, habang pinaputukan din umano ng suspek ang mga nakaupong sina Traje at Joguilon na kaagad ding nagtakbuhan sa loob ng bahay matapos masugatan.

Samantala, sa panayam ng Radyo Todo sa kinakasama ni Teñoso, nabatid na magkasama rin sila ni Roger galing sa Dumatad, subalit wala naman umano itong nakaaway doon.

Nauna umano sila ng kanyang kasama na dumating sa kanilang bahay, habang dumaan muna sa tindahan si Roger, kung saan ito binaril kagabi.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Tangalan PNP sa insidente, habang narekober naman ang 7 basyo at 6 na slug ng kalibre 45 sa lugar.

Continue Reading
Advertisement

Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *